PatrolPH

Presyo ng puting asukal, mataas pa rin sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2022 12:57 PM

Tindahan ng asukal sa Bustillos Market sa Maynila noong Agosto 16, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Tindahan ng asukal sa Bustillos Market sa Maynila noong Agosto 16, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Bagaman bahagyang bumaba, mataas pa rin ang presyo ng puting asukal sa mga palengke sa Metro Manila.

Sa Balintawak Market sa Quezon City, halimbawa, pumapalo pa rin ang presyo sa P95 kada kilo, mababa kompara sa higit P100 noong mga nakaraang linggo.

Mas mura naman ang washed sugar na nasa P70 habang P68 naman ang brown sugar.

Ayon sa mga nagtitinda, mahal pa rin ang kuha nila sa mga supplier kaya hindi pa rin sila makapagbaba ng presyo.

Hindi naman nagtitinda ng puting asukal ang ilang vendor, lalo't mas pinipili ng maraming kostumer ang washed o brown sugar dahil mas mura ito.

Nangangamba naman ang ilang nagtitinda ng puting asukal dahil posibleng hindi na mabili ang kanilang mga paninda sakaling dumami ang murang asukal sa mga supermarket.

Magugunitang pumayag ang mga malalaking supermarket na magbenta ng refined sugar sa halagang P70 kada kilo.

Nitong buwan lang ay umabot sa higit P100 ang presyo ng kada kilo ng puting asukal dahil umano sa kakulangan ng supply.

Pero kamakailan ay na-raid ng mga awtoridad ang ilang bodega na naglalaman ng sako-sakong asukal.

— May ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.