Ilang Meralco consumers gustong pahabain ang deadline sa natenggang bill

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 05:27 PM

MAYNILA - Nais pa ng ilang Meralco customers ng dagdag-palugit para sa mga natenggang bayarin ng kuryente. 

Kasunod ito ng anunsiyo ng Meralco na hanggang dulo ng Oktubre na puwedeng bayaran ang mga naipong bill sa kuryente. 

Hangad ng customer na si Diane Francisco na paabutin na lang ito hanggang dulo ng taon. 

"Sana paabutin na sa dulo ng taon kasi marami pa rin sa amin walang trabaho," ani Francisco. 

Sang-ayon dito ang isa pang customer na si Juna Bustillo. 

"Mas maganda rin opo kung habaan pa para hindi po mabigat sa ibang tao na wala silang pambayad, makahanap pa sila pambayad," ani Bustillo. 

Mula noong nag-lockdown ay nagpasya ang Meralco na utay-utayin ang bayarin sa mga natenggang bill mula Marso hanggang Hunyo nang isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila at matigil ang operasyon ng ilang negosyo at hanapbuhay para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus. 

Tiniyak naman ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco na magiging mas maunawain naman sila sa sitwasyon. 

“Sa ngayon pinapaluwalan muna namin yung cost ng kuryente na nagamit na nila at kami muna nagbabayad sa mga suppliers,” ani Zaldarriaga. 

Samantala, target ng Meralco na ibigay ang ayudang discount ang mga lifeline users ng Meralco para sa February 2020 bill ngayong Setyembre

Ang lifeline users ay iyong mga kumokonsumo lang ng hanggang 100 kilowatt hours. 

Sa kuwenta ng Meralco, nasa halos P40 ang average na makukuhang diskuwento sa isang buwan lamang ipatutupad. 

“Para malaman kung magkano ang iexpect nyo, tingnan lang natin ang kanilang February 2020 na bill kung sila ay kumukunsumo ng 100 kilowatt hours or below, makakatanggap sila ng rebates sa distribution charge,” ani Meralco Utility Economics Head Larry Fernandez. 

Nang tinanong kung bakit maliit lang ang diskuwento, ipinaliwanag ng Meralco na tadtad na kasi ng diskwento at subsidiya ang mga lifeline user na kaunti lang ang konsumo sa kuryente. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.