Naaksidenteng factory worker 'tinanggihang' tulungan ng employer

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2019 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

DOLE: Employment agency, tungkuling tulungan ang naaksidenteng empleyado

MAYNILA — Higit 5 taon nang tagabalot ng noodles sa factory ng Rickimel Marketing Company sa Quezon City ang 26 anyos na si Vergil Vizcarra.

Iniinda ngayon ni Vizcarra ang bukol malapit sa kaniyang pulso dahil sa aksidente sa trabaho noong 2016.

"Di ko po alam na may nag-mop po doon kaya nadulas po ako," ani Vizcarra.

"Namaga po hanggang sa may bumukol," dagdag niya.

Nagdesisyon si Vizcarra na huminto sa trabaho at magpatingin sa doktor.

Base sa resulta, nagkaroon si Vizcarra ng neglected bone dislocation.

Humingi si Vizcarra ng tulong sa kaniyang employment agency na Greg M. Magparangalan Ventures Manpower Services at sa pinasukang pabrika kaya inalok siya nito ng P5,000 cash advance.

"Di ko po tinanggap kasi hindi ko sigurado na mababayaran ko po 'yong cash advance," ani Vizcarra.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mas tungkulin ng employment agency na tulungan si Vizcarra.

"Mauuna si manpower agency mo kapag hindi niya kaya at kulang iyong itutulong niya, sasagot si principal," ani Labor Undersecretary Ana Dione.

Ayon pa sa DOLE, dapat tiyakin ng bawat kompanya na ligtas ang mga manggagawa sa trabaho, at tulungan ang mga itong mag-file ng benepisyo gaya ng sickness claim sa Social Security System.

Ipinaliwanag na kay Vizcarra ang mga hakbang sa pagkuha niya ng kaniyang claim.

Hindi sumagot sa liham ang factory na pinasukan ni Vizcarra.

Ayon naman sa kaniyang agency, maaaring nagkaroon lang ng miscommunication sa pagitan nila. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.