'Mag-ingat sa kunwari'y nagpapautang sa social media'

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 08:16 PM

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa mga pekeng online lending company na kadalasang nakikita sa social networking sites tulad ng Facebook at Twitter.

Pinag-iingat ng SEC ang publiko dahil marami na ring nabiktima ng modus operandi ng mga pekeng online lending company.

Isa sa mga ito si Benedic Salvador na uutang sana ng pandagdag puhunan para sa negosyong lechunan.

Kumapit siya sa isang online lending company dahil kulang ang requirements niya para makahiram sa bangko.
 
Sa Facebook niya nakita ang credit company nang mangailangan siya ng pera noong 2015.
 
Naengganyo siya na roon na rin humiram ng pera matapos makita ang comments na mabilis magpautang ang kompanya. Agad namang naaprubahan ang P100,000 na inutang niya.
 
Pero pinagbabayad muna siya ng processing fee na P3,000 bago maipadala sa kanya ang hinihiram na pera.
 
Matapos maideposito ni Salvador ang pera, na-block na aniya siya sa account ng credit company at nag-deactivate pa ito nang tumagal.
 
Nakikipagtulungan na ang SEC sa National Bureau of Investigation para hulihin ang nasa likod ng ilang nadiskubreng online lending firms.
 
Payo ng SEC, i-verify muna kung rehistrado at sertipikadong magpautang ang ganitong kompanya sa website ng komisyon sa www.sec.gov.ph bago makipag-transaksiyon.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.