Nagsimula nang magbenta ng P70 kada kilong puting asukal ang ilang malalaking supermarket chain.
Sa Robinsons Supermarket, umarangkada na ang bentahan ng P70 kada kilong refined sugar.
Pero 1 kilo lang ang puwedeng bilhin ng kada kostumer dahil limitado lang ang supply na ikakalat pa sa iba't ibang sangay ng Robinsons sa Luzon.
Nagtitinda na rin ang SM Supermarkets at SM Hypermarkets ng P70 kada kilong premium washed sugar na Bonus brand.
Magbebenta na rin umano ang Puregold ng P70 washed sugar sa mga susunod na araw.
Nauna nang inanunsiyo ng Malacañang noong Biyernes na pumayag ang 3 supermarket chain na ibaba ang presyo ng asukal mula sa higit P100.
Pero umalma ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc., isang grupo ng maliliit na supermarkets, dahil hindi sila isinali sa programa.
"It becomes unfair when we heard that Malacañang approached millers and traders to give these 3 a special deal where they can sell at P70," ani Steven Cua, pangulo ng grupo.
Diskarte naman ng ilang sari-sari stores ang pagbebenta ng P1 na kutsarita ng asukal.
Samantala, 4 na planta ng Coca-Cola sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng supply ng asukal.
Kabilang umano rito ang planta sa Naga City, Davao City, Zamboanga at Imus, Cavite.
Nasa 30 hanggang 40 porsiyento ng production lines ang hindi gumagana sa 19 bottling plants ng Coke.
Aabot sa 450,000 metric tons ng bottler's grade sugar ang kailangan ng Coke kaya maibabalik lang ang normal operations kapag bumalik na ang maayos na supply ng ganitong asukal.
Sa Cebu, bukod sa tumaas ang presyo, umaabot na sa ibang probinsiya ang mga negosyante sa paghahanap ng supply ng softdrinks.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.