Pagpapasara ng mga backyard piggery sa QC pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 08:35 PM | Updated as of Aug 23 2019 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ipasara ang mga backyard piggery kasunod ng ulat ng pagkamatay ng ilang baboy sa hindi pa natutukoy na sakit. 
 
Ayon kay Dr. Ana Maria Cabel, veterinarian ng QC, ito ay para maiwasan pang kumalat ang mga sakit. 

Dagdag niya, bawal naman daw itong ilagay sa lungsod. 

"'Yung mga existing (na babuyan) bibigyan ng chance na makalayo o ano man maging decision ni Mayor," ani Cabel. 

Pero para sa may-ari ng babuyan na si Cecilia Ablaso, sapul ito sa kanilang hanapbuhay. 

"Pa'no po ang hanapbuhay naming mahihirap? Saan kami kukuha ng pangkain?" ani Ablaso. 

Nagsimula nang magtayo ng mga checkpoint ang ilang lungsod. 

Pitong quarantine checkpoints ang planong ipatayo ng Quezon City Veterinary Inspection Unit simula Sabado, Agosto 24. 

Inuumpisahan na nila ang pag-iinspeksiyon sa Batasan Road. Paliwanag nila, ito ay dahil ang Quezon City ay nasa "boundary" ng Rodriguez, Rizal kung saan naitala ang maraming insidente ng pagkamatay ng mga baboy.

Hinahanapan ng veterinary health certificate, shipping permit, at meat inspection certificate ang mga truck na may dalang baboy o karneng baboy sa mga checkpoint. 

Nanawagan ang Department of Agriculture sa lahat ng veterinary officer na sundin ang patakaran sa kaligtasan ng pagkain at pag-quarantine sa mga may sakit na baboy. 

Dapat anilang dini-disinfect ng mga slaughterhouse ang mga trak na galing sa mga babuyan at sinusuri ang baboy bago at pagkatapos nitong mamatay. 

Dapat ding suriin ang pisikal na hitsura ng baboy, maging ang laman-loob nito, ayon kay Jude Padasas, meat inspector ng National Meat Inspection Service. 

Para kay Amor Galaraga, na nagbabantay ng isang slaughterhouse sa Novaliches, nabawasan ng 10 porsiyento ang kinakatay nilang baboy. 

Samantala, pinagbabawalan naman ang pagpasok ng mga baboy at frozen hog meat sa Ilocos Sur, partikular na ang mga mula Rizal at Bulacan. 

"We started with the inspection and disinfection of all the delivery truck coming from the south or any point of entry within Ilocos Sur." kay Martel Quitoriano, quarantine officer ng Ilocos Sur. 

Pero kapag idineklara na ng DA na wala na iyong virus o magkukulang ang mga suplay, papapasukin muli nila ang mga produkto sa probinsiya.

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.