PatrolPH

Presyo ng petrolyo tataas sa Agosto 23, Martes

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2022 10:40 AM | Updated as of Aug 22 2022 06:58 PM

Gasolinahan sa Mandaluyong City noong Marso 22, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File
Gasolinahan sa Mandaluyong City noong Marso 22, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File

(UPDATE) Matapos ang 7 sunod na linggong rollback, muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Agosto 23.

Ayon sa abiso ng mga kompanya ng langis, narito ang halaga ng ipatutupad nilang taas-presyo:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
GASOLINA +P0.70/L
DIESEL +P2.60/L
KEROSENE +P2.80/L

Shell, Seaoil, Petron (alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P0.70/L
DIESEL +P2.60/L
KEROSENE +P2.80/L

PTT Philippines, Petro Gazz, Unioil, Jetti Petroleum, Phoenix Petroleum (alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P0.70/L
DIESEL +P2.60/L

Cleanfuel (alas-4:01 ng hapon)
GASOLINA +P0.70/L
DIESEL +P2.60/L

Ayon kay Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, humina ang imbentaryo ng langis ng Amerika kaya sumipa ang presyo sa world market. 

Mula Hulyo 5 hanggang Agosto 20, umabot sa P16.80 ang kabuuang rollback sa presyo ng diesel, P14.05 sa gasolina at P15.45 sa kerosene.

Tingin naman ng mga taga-industriya ng langis ay puwede pa ring bumalik ang rollback sa susunod na linggo.

"Ako sa tingin ko temporary lang ito... babalik 'yan sa dati at babawiin ang ano mang taas bukas," ani Eastern Petroleum President Fernando Martinez.

"Maaaring magkaroon ng kaunting pagbaba pa," sabi naman ni Cleanfuel President Bong Suntay.

"Malaki pa rin ang posibilidad na hindi magsusunodsunod na magtataas ang nakikita natin dito," sabi naman ni Jetti Petroleum President Leo Bellas.

Samantala, may namumuro namang rollback sa presyo ng liquefied petroleum gas simula Setyembre 1.

Sa ngayon, nasa P0.50 hanggang P1.50 kada kilo ang ibinagsak sa contract price ng LPG sa world market.

Pero dahil may ilang araw pa bago maging final ang contract price, maaari pang lumobo o lumiit ang inaasahang rollback.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.