PatrolPH

Samahan ng mga panadero tiniyak na walang taas-presyo sa pandesal pero...

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2022 02:17 PM | Updated as of Aug 21 2022 07:14 PM

Tiniyak ng samahan ng mga panadero na hindi sila magtataas ng presyo ng pandesal sa kabila ng pagmahal ng sangkap nitong asukal.

Pero ayon kay Luis Chavez, director ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino, asahang mababawasan ang asukal na ginagamit sa paggawa ng pandesal.

"Sa standard na ginagamit nating 6 na kilo sa isang sakong harina, ibababa natin ito [sa] 4 na kilo ng asukal. 'Yon ang best alternative para hindi tayo magtaas ng presyo [ng pandesal]," ani Chavez.

Magugunitang umabot kamakailan sa higit P100 ang presyo ng kada kilo ng asukal sa ilang pamilihan bunsod ng umano'y kakulangan sa supply.

Pero inanunsiyo ng Malacañang noong Biyernes na ibababa ng mga malalaking supermarket sa bansa ang presyo ng asukal sa P70 kada kilo.

Ayon sa samahan ng mga panadero, sa susunod na 2 o 3 linggo ay posibleng magkaroon ng paggalaw sa presyo ng cakes at pastries, na pangunahing sangkap din ang asukal.

Watch more News on iWantTFC

Tinatayang nasa hanggang P100 ang posibleng dagdag-presyo dahil hindi umano puwedeng isaalang-alang ang kalidad ng mga pastry, ani Chavez.

Maliban sa mga panaderya, sapul din ng pagmahal ng asukal ang mga naglalako ng ice cream.

Nasa P1,450 na ang halaga ng 2 galon ng ice cream na kinukuha ng vendor na si Noli Loyola mula sa kaniyang supplier, mula sa dating P1,300.

Nauna nang tiniyak ng Sugar Regulatory Administration na iimbestigahan nito ang umano'y hoarding ng asukal. Ito'y matapos matuklasan sa ilang bodega ang sako-sakong asukal.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.