PatrolPH

Bentahan ng asukal sa ilang palengke, matumal na dahil sa taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2022 03:56 PM

MAYNILA – Tumumal na ang bentahan ng asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila sa gitna ng mataas na persyo nito. 

Naglalaro na sa P95 hanggang P100 ang kada kilo ng puting asukal, habang P70 naman ang washed sugar at P68 hanggang P70 sa brown sugar. 

"Dati kung kumuha sila 10 ngayon dalawa o isang kilo kumporme sa benta nila wag lang sila walang paninda," ani Teresita Terado, tindera ng asukal. 

Ang ilang samalamig vendor, lumipat na sa paggamit ng flavored powder. 

Tuluyan kasi silang malulugi kung ipagpapatuloy ang paggamit ng asukal. 

"Powder powder na lang kami kesa sa asukal, sa powder kasi timplado na siya. Yung asukal haluin pa tapos mahal pa," anang mamimili na si Maribel Capoquian. 

Ang malalaking kompanya naman ng soft drinks at fruit juices, apektado rin ng pagtaas ng presyo ng asukal, at humiuhingi naman ang Zest-O ng tulong sa gobyerno upang makapag-angkat pa ng asukal. 

Sa kanilang tantiya kasi, Setyembre na lang aabutin ng kanilang suplay. – Ulat ni Reniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.