Bayarin sa tubig na umabot sa P133,000 ikinagulat ng pamilya sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 05:18 PM | Updated as of Aug 20 2020 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kakaunti lang naman ang kasama ni Lalaine Vasquez na nakatira sa isang hindi naman kalakihang apartment sa Marikina City.

Madalas naglalaro noon sa P700 hanggang P900 ang kanilang water bill kaya nagulat sila nang matanggap noong nakaraang linggo ang singil mula sa Manila Water, na umabot sa tumataginting na P133,000.

"Siyempre na-shock, na tumawa rin kasi 'di kami makapaniwala na ganoon ang bill namin," ani Vasquez sa panayam ng ABS-CBN News.

Noong nakaraang buwan, P132,000 ang bill pero agad nila itong inireklamo sa Manila Water at umasang maaayos. Subalit lalo pa itong lumobo nang dumating ang Agusut bill.

Agad isinangguni ng ABS-CBN sa Manila Water ang problema nina Vasquez at napag-alamang nagkamali ang basa ng metro.

Hindi lang daw umabot sa naipadalang bill ang tamang reading na P6,900 mula Pebrero hanggang Agosto.

Humingi naman ng paumanhin si Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla sa nangyari at sinabing kakaunti lamang ang mga reklamong katulad ng kina Vasquez.

"Hindi naman ito reflective ng majority ng cases na nakukuha natin," ani Sevilla.

Buti na lang at hindi umano underground leak ang dahilan ng paglobo ng bayarin.

Batay sa patakaran, kung water leak ang dahilan ng paglobo ng bill, kung galing sa main pipe papunta sa paanan ng metro, sagot ng concessionaire.

Subalit kung mula sa metro papasok sa property o bahay ang leak, sagot ito ng kostumer o may-ari ng account.

Responsibilidad daw kasi ng kostumer ang mga tubo papasok ng bahay kaya dapat palaging i-check ang metro.

Kahit kasi umabot pa ng daan-libong piso ang bill dahil sa underground water leak, sisingilin pa rin daw ito sa kostumer nang pautay-utay o installment basis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.