PatrolPH

Ilang negosyante sa Cebu, dumadayo sa ibang probinsya para bumili ng softdrinks

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2022 07:07 PM


Ramdam na sa ilang lugar sa Visayas ang kakulangan ng iba't ibang produkto ng softdrinks.

Ito'y matapos kumpirmahin ng mga kumpanya ng softdrinks ang kakulangan ng supply dahil kinakapos sa asukal.

Halos mag-iisang buwan na, na walang mabiling softdrinks ang ilang negosyante sa Toledo City, Cebu.

Tumawid ang wholesaler na si Bobong Guardiano sa kabilang probinsya upang makabili ng supply sa public market sa San Caros City, Negros Occidental. 

"Unya ako, nangita nalang sab kog paagi kay wala naman mi tinda," ani Guardiano.

(Ako, gumawa ako ng paraan dahil wala na kaming paninda.)

Ayon kay Guardiano, sinisikap din niyang hindi mawalan ng trabaho ang kanyang mga tauhan at hindi maubos ang capital.

Limitado lang din anya ang nabibili niyang supply galing sa isang produkto ng softdrinks. 

Isasakay pa umano ng barko ang mga nabiling supply pabalik sa Toledo City kaya may dagdag nang P5 ang kada dosenang presyo nito. 

Ang ilang retailers naman sa palengke ng San Carlos City, tumigil na sa pagtitinda ng softdrinks.

"Pag magcontact po kami sa mga ano, ahente, sabi nila walang stocks," sabi ng retailer na si Melvin Calapuan.

Dagdag ni Calapuan, may ibang bodega din na hindi na nagbebenta sa kanila dahil kakaunti na ang supply. 

Sumirit ang presyo ng isang maliit na botelya ng softdrink, mula P12 naging P15 hanggang P20 na ang retail price nito. 

Umaasa ang mga maliliit na negosyante sa Visayas na panandalian lang ang kinkaharap na krisis.

- ulat ni RC Dalaguit De Vela

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.