Grab naghahanap ng 10,000 drivers, riders

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 02:44 PM | Updated as of Aug 18 2019 05:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Higit isang buwan nang nagtatrabaho sa food delivery service ng ride-hailing firm na Grab si Julie Araya.

Napasok si Araya, 30, sa Grab sa pamamagitan ng job fair caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) noong Hulyo.

"Hawak mo 'yong oras mo," kuwento ni Araya ukol sa karanasan bilang motorcycle rider para sa Grab.

"Nakukuha ko naman 'yong kita na gusto ko or 'yong income na para makatulong sa pamilya ko, sa lifestyle ko," aniya.

Sa ilalim ng kasunduan ng PCUP at Grab, 10,000 trabaho ang alok ng ride-hailing firm sa mga nais maging driver, motorcycle rider, biker at walker.

"Lahat naman welcome, basta 60 years old below ay puwedeng magtrabaho sa ino-offer ng Grab base sa aming kasunduan," ani PCUP Chairman Alvin Feliciano.

Maaaring kumita ang driver o rider ng doble sa minimum wage kada araw o higit pa depende sa haba ng kanilang iba-biyahe.

Kailangan lang na may professional driver's license, at official receipt o certificate of registration ang motorsiklong gagamitin.

Maaari ring mag-aplay kahit walang sariling motorsiklo o sasakyan, ayon kay Grab Philippines public affairs manager Nicka Hosaka.

"Mina-match natin sila sa mga active Grab operators na mayroon sariling saskayan pero naghahanap naman ng driver," ani Hosaka.

Nilinaw rin ng pamunuan ng Grab na hindi makakadagdag sa kalsada ang mga bubuksang trabaho dahil sa mga kasalukuyang unit na may prangkisa na ang imamaneho ng drivers.

Hindi rin kasali sa franchise ceiling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga magpaparehistrong rider.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.