PatrolPH

Taas-presyo sa 67 pangunahing bilihin pinayagan ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2022 08:14 PM

Watch more News on iWantTFC

Pinayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng taas-presyo ang nasa 67 produktong sakop ng basic at prime commodities.

Kasali rito ang ilang brands ng gatas, sardinas, canned meat, detergent at iba pang produktong ginagamit araw-araw ng mga ordinaryong konsumer.

Nasa 3 hanggang 10 porsiyento ang ipatutupad na taas-presyo o katumbas ng P0.30 hanggang higit P10.

Ayon kay Trade Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, pinag-aralang mabuti ng ahensiya bago pinayagan ang mga manufacturer na magtaas-presyo.

"Nagne-negotiate tayo with the manufacturers to really temper any price adjustment and nakikita naman natin kung nag-adjust man tayo ng prices, justified dahil sa increase ng raw materials," ani Cabochan. 

"Kailangan din naman ang ating manufacturers, mayroon naman silang reasonable profit," dagdag niya.

Sa kabila naman ng kontrobersiya ng umano'y ilegal na pinirmahang import order ng asukal at pagbibitiw ng ilang opisyal mula sa Sugar Regulatory Administration, hindi pa rin humuhupa ang pagtaas ng presyo ng asukal sa mga supermarket.

Nasa higit P100 pa rin ang kada kilo ng refined sugar habang P75 hanggang P78 ang washed at brown sugar.

Samantala, may problema rin ang mga supermarket owner sa bagong labas na suggested retail price, ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Stephen Cua.

May butal ang presyo kaya mahirap umano ang suklian.

"Gusto nila P0.05 ang smallest denomination, paano susuklian ang may sentimong butal? Kahit pagsamahin mo 'di babagsak na sakto to the nearest P0.05. Sana ayusin," ani Cua.

Pero sumagot ang DTI at sinabing dumaan na sa masusing pag-aaral ang bagong presyo ng mga pangunahing bilihin.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.