Sapul sa CCTV: Pagnanakaw ng cellphone sa isang tindahan sa Cagayan de Oro

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 01:54 AM

Huli sa CCTV ang pagnanakaw ng cellphone ng isang grupo ng mga babae sa loob ng isang tindahan ng glassware sa Cagayan de Oro nitong Martes, Agosto 13.

Nakunan ng CCTV ang pagnanakaw ng cellphone ng isang grupo ng mga babae sa loob ng isang tindahan ng glassware sa Cagayan de Oro nitong Martes.

Sa video, makikita ang isang babae na naghahanap ng mabibili na gamit sa loob ng store kasama ang isang bata.

Dumating din ang grupo ng mga babae na tila naghahanap din ng mabibi na gamit.

Ilang segundo ang nakalipas, makikita sa video na pinaligiran ng mga babae ang bibiktimahin at tila inaagaw ang atensyon para hindi mapansin ng biktima ang gagawing pagnanakaw.

Kita sa video na binuksan ng isang suspek ang dalang backpack ng biktima. At para hindi mamalayan ng biktima ang pagdukot, tinakpan pa ng bag sa isa nilang kasabwat.

Nang makuha ang cellphone ng biktima, agad itong tinago at isa-isang nagsilabasan ng store ang mga suspek.

Makikita rin sa video nga tila walang malay sa nangyaring pagnanakaw ang biktima.

Ayon sa pulisya, kilalang mga magnanakaw ang grupo at parehong modus na ang kanilang ginagawa mula pa 2007.

Sa impormasyon ng pulisya, hindi lang sa Cagayan de Oro nambibiktima ang grupo.

"Previously meron ding na-verify na nag-ooperate din sila sa Hong Kong. Nagpi-pickpocket din sila sa Hong Kong. Ganoon po ka lawak ang illegal activities nila na pickpocket kaya magagaling po talaga ang grupong ito. Hindi lang dito sa CDO, may namonitor din sila sa Cebu at may namonitor din sila sa Maynila," ani PCapt. Tessie Lleva, imbestigador ng kaso.

Dagdag ni Lleva, nahuli na noon ang mga suspek pero nakalaya rin dahil hindi na itinutuloy ng mga nabiktima ang pagsasampa ng kaso.

"Kung hindi po kayo magfa-file ng case against them, magiging continuous pa rin po yung operation nila. They are operating their illegal activities since 2007, pero walang nangyayari because of the disinterested victims," ani Lleva.

Patuloy ngayon ang paghahanap ng mga awtoridad sa mga suspek.

Abiso ng pulisya sa publiko, magdoble ingat lalo na sa mga mamahaling gamit para hindi mabiktima ng mga kawatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.