Mga magsasaka, may takot sa pag-aangkat ng bigas

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 08:20 PM | Updated as of Aug 25 2019 02:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ang mga magsasaka sa panukalang pag-aangkat ng bigas bilang isa sa mga solusyon upang mapigilan ang patuloy na pagsipa ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Kuwento ng magsasakang si Gerry Esteban, sa ganitong panahon na nga lang sila kumikita kaya't hiling nila ang pag-unawa ng mga konsumer. 

Pero kinatatakutan nila, baka hindi rin magtagal ang magandang kita nila lalo na at may paparating na imported rice na mas mababa ang presyo.

Idagdag pa rito ang pagpasa ng rice tariffication bill. 

Ani Esteban, gumagastos silang mga magsasaka ng nasa P35,000 hanggang P45,000 kada ektarya ng palay. 

Ang kita, umaabot ng P100,000 pero ang maiuuwi lang daw dito ay P50,000 dahil sa production cost kasama na ang krudo, pataba, pesticide, bayad-utang, at marami pang iba. 

Ang naturang P50,000 ay pagkakasyahin nila sa anim na buwan na sila ay magtatanim para makapag-ani muli. 

Pero ayon naman sa Department of Agriculture (DA), sinisiguro nilang ang makukuha na taripa sa mga imported rice ay mapupunta rin naman sa mga lokal na magsasaka.  —Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.