Dagdag-singil sa ATM, bank fees, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 09:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpahayag ng kanilang pagtutol ang ilang grupo sa pagsingil ng transaction fees sa mga bangko maging ang planong pagtaas ng mga transaction fee sa mga automated teller machine (ATM.) 

Ito ay matapos ianunsiyo ng ilang bangko na magkakaroon sila ng dagdag-singil sa ilang serbisyo gaya ng pagdedeposito ng pera sa mga bank account. 

Sa liham sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umapela ang grupong Laban Konsyumer na pagbawalan ang mga bangko na magdagdag-singil sa kanilang mga transaksiyon.

Sa isa namang panayam, sinabi ni Vic Dimagiba, pangulo ng grupo, na dapat wala nang singil ang mga bangko sa mga fund transfer sa ibang bank account. 

"Kung ine-encourage na natin ang online o tinatawag na borderless transaction dahil sa information technology, ito po dapat walang dagdag na gastos," ani Dimagiba. 

Pag-aaralan naman daw nang mabuti ng BSP ang magiging solusyon sa pagsingil ng bagong transaction fees ng mga bangko. 

"Should an increase be necessary in order for banks to continue providing ATM services to the banking public, the BSP will ensure that the increase will be reasonable and will adhere to pricing principles provided under BSP Circular No. 980 dated 6 November 2017," anila sa pahayag.

DAGDAG SA ATM FEES 

Tinutulan naman ng labor group na Partidong Manggagawa ang posibleng pagtaas ng ATM fees bunsod ng pagbawi ng BSP sa moratorium sa mga bangko tungkol sa dagdag-singil nito. 

Ayon kay Judy Miranda, secretary-general ng grupo, katumbas ang dagdag-singil sa 8 porsiyento ng minimum wage ng isang manggagawa. 

Pero ayon sa grupong Bankers Association of the Philippines, hindi naman daw sila basta-bastang mag-aangat ng transaction fees nang hindi aprubado ng BSP. 

"Banks - commercial, thrift and rural, with ATMs - cannot unilaterally adjust ATM fees as each bank will have to secure prior BSP approval to do so," ani BAP. 

Tiniyak naman ng BSP na susuriin nila nang mabuti ang hiling ng bawat bangko na nais magtaas ng ATM fee para masegurong hindi ito sobra sa nararapat. 

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.