Supreme Court issues TROs vs toll tax, SLEx rate hike

Posted at Aug 13 2010 11:17 PM | Updated as of Aug 14 2010 07:17 AM

Pinigil ng Korte Supreme ang nakatakdang pagpataw ng Value-Added Tax (VAT) sa lahat ng tollways sa bansa at ang malaking umento sa toll rate sa South Luzon Expressway (SLEx).

Isinisi naman ng Malacañang sa nakaraang administration kaya umano nagmumukhang kontrabida ang gobyerno sa isyu ng VAT sa toll.

Umaga pa lamang, humirit na ng temporary restraining order (TRO) ang abogadong si Ernesto Francisco sa Korte Suprema para pigilan ang malaking pagtataas ng toll rate sa SLEx.

Dapat daw munang busisiin ang kontrata ng operator ng SLEx at gobyerno.

“Huwag tayong ma-distract sa emphasis sa E-VAT. That’s just 12 percent. Ito 250 percent. Ano ang pipigil sa iba na magtaas din ng ganito?” ani Francisco.

Nauna nang dumulog sa Korte Suprema ang si dating Nueva Ecija Rep. Renato Dias at Trade assistant secretary Aurora Timbol para pigilan naman ang pagpapatupad ng 12% VAT sa lahat ng tollways sa Lunes.

Bago mag-alas 3 ng hapon, naglabas ng dalawang TRO ang Korte Suprema.

Ibig sabihin, hindi tuloy ang pagpataw ng VAT sa mga tollway at ang umento sa toll sa SLEx.

Sampung araw lamang ang ibinigay ng korte sa Department of Finance at Bureau of Internal Revenue para sagutin ang TRO.

Pagsasamahin naman ng Korte Suprema ang naunang petisyon nina Francisco at Albay Governor Joey Salceda laban sa dagdag-singil sa SLEx.

Dahil “indefinite” o walang ibinigay na takdang araw sa pagtatapos ng TRO ng Korte Suprema, hindi pa talaga puwedeng ipatupad ang dagdag na buwis o VAT sa toll at umento sa toll ng SLEx hyanggang walang desisyon ang korte sa magkahiwalay na usapin.

Giit ni Senador Ralph Recto, dahil sa TRO ay may sapat na panahon ngayon ang gobyerno na magsaliksik kung talaga nga bang nakalagay sa mga batas na puwedeng patawan ng VAT ang mga nagbabayad ng toll.

Inirerespeto naman ng Malacañang ang desisyon ng Korte Suprema pero dapat daw sisihin ang administrasyong Arroyo dahil sa pagtanggi noon pa na ipatupad ang VAT sa toll.

"Now that we are in the process of enforcing the law, kami ang nagmumukhang kontrabida. Ito ay nagmumukhang bagong buwis na sa totoo lang ay hindi po ito buwis. Meron na pong batas na in-issue ang Kongreso at base dun sa batas sa Kongreso, nag-isyu ng dalawang memorandum circular ang BIR sa panahon ni Ginang Arroyo na hindi nila inimplement," ani Lacierda.

Dinepensahan din ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pagpataw ng VAT  sa toll.

Nang tanungin kung bakit hindi na lamang isantabi ng gobyerno ang VAT sa toll para hindi sila magmukhang kontrabida, nanindigan si Lacierda na mapapakinabangan ang buws sa para sa dagdag na serbisyo sa publiko. -- Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino