TESDA graduates, maaaring makahiram ng pampuhunan

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2018 06:53 PM | Updated as of Dec 11 2019 04:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkahilig sa damit ang nagtulak kay Jenilene Dalan na kumuha ng kursong dressmaking sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Nagtapos siya noong Hulyo at ngayon ay nagbabalak magsimula ng maliit na patahian.

"Sa tingin ko kasi maraming nagpapa-alter, lahat ng mga tao mahilig sa damit, so hindi talaga maze-zero 'yong araw mo na wala kang gagawin," ani Dalan.

Pero sa gaya ni Dalan na nagsisimula pa lang, hamon ang pagkukuhanan ng puhunan sa nais na negosyo.

"Mahirap po kasi, una, mahal iyong machine," aniya. 

Ayon kay Rosanna Urdaneta, deputy director general for policies and planning sa TESDA, hangad ng kanilang ahensiya na maging tulay para makahiram ang kanilang graduates sa bangko ng perang pansimula sa negosyo. 

Depende sa uri ng negosyo ang halaga ng ipahihiram na puhunan.

Maaari ring umutang ng pambili ng makina o kasangkapan sa planong negosyo.

"Titingnan diyan ano 'yong market, raw materials na gagamitin mo," ani Urdaneta.

Kabilang sa mga bangkong katuwang ng TESDA ang Landbank at Development Bank of the Philippines.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.