MWSS: Puwedeng unti-untiin ang bayad sa water bill

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2020 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi na kailangang hati-hatiin ang lumobong bayarin sa tubig dahil maaari naman itong unti-untiin hanggang mabuo ang bayad sa dulo ng Setyembre, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Kasunod ito ng apela ng grupong Laban Konsyumer na dapat gayahin na lang ng Maynilad at Manila Water ang Meralco, na hinati sa 4 o installment ang naipong bayarin.

May ilang bayad centers kasing hindi tumatanggap ng mas maliit sa "amount due" na nakalagay sa bill, ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Pero ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, ayaw nilang gayahin ang Meralco dahil mas pabor sa konsumer kung walang minimum na babayaran kada buwan.

Nilinaw din ng Maynilad at Manila Water na tinatanggap ng bayad center at online ang tingi-tingi na bayad.

Walang disconnection notice hanggang Setyembre 30 at puwede ring mag-apply ang konsumer ng promissory note, depende sa tindi ng pangangailangan. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.