PatrolPH

Panibagong tapyas sa presyo ng produktong petrolyo, ikinatuwa ng mga tsuper

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2022 05:36 PM

Masaya ang maraming jeepney driver sa napipintong bawas presyo sa produktong petrolyo sa Martes.

Malaki ang inaasahang rollback ng ilang gasolinahan. Nasa P2 hangang P2.40/litro sa krudo at gasolina habang nasa P2.50 hangang P2.75/litro sa kerosene.

Ayon sa mga namamasada, malaking bagay ang halos ilang linggo nang rollback sa krudo.

Mas nadagdagan umano ang naiuuwi nila sa kanilang pamilya.

“Magaan sa pakiramdam kasi nabawasan na yung presyo ng krudo kasi sobrang taas kasi,” ayon sa jeepney driver na si Roberto Ramirez.

Ayon naman sa jeepney driver na si Gerardo Roque, hindi na siya mahihirapan na mag-uwi ng P400-P500 sa pamilya sa isang araw na pamamasada.

Kung mas bumaba pa, pabor din siya na ibaba na rin ang pamasahe lalo’t magpapasukan na. May dalawa din kasi siyang estudyanteng anak. 

“Okay lang na magbawas na, sa pamasahe din hintayin na lamang namin kung kelan din magbaba. Malaking bagay na yan kasi para din naman yan sa commuters eh,” ani Gerardo.

Pero mas malaking kaginhawaan umano kung mas bumaba pa ang presyo nito gaya nung mga nasa mahigit P50 lang ang kada litro lalo’t ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.