Taas-presyo nitong Hulyo pinakamabagal sa loob ng higit 2 taon

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 12:13 PM

MAYNILA - Bumagal sa 2.4 porsiyento nitong Hulyo ang inflation o ang antas ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Tugma ito sa tantiya ng ilang ekonomista na nasa 2.4 porsiyento rin at pasok sa inaasahang 2 hanggang 2.8 porsiyento ng Bangko Sentral. Nagtala ng 2.7 porsiyentong inflation ang bansa noong Hunyo.

Ito anila ang pinakamabagal na antas ng inflation sa loob ng 31 buwan o higit dalawa at kalahating taon.

Nakaambag sa pagbagal ng inflation ang pagbagal ng antas ng taas-presyo sapagkain at hindi nakakalasing na inumin, gastos sa bahay gaya ng tubig, kuryente at gasolina, at gastos sa transportasyon at komunikasyon.

Mula 3 porsiyento noong Hunyo, bumagal pa sa 2.3 porsiyento ang antas ng taas-presyo sa Metro Manila.

Bagaman bumaba ng 0.3 puntos, pinakamabilis pa rin ang inflation sa Mimaropa na nasa 4.9 porsiyento noong Hulyo.

Pinakamababa naman ang inflation sa Central Visayas, na nasa 1.1 porsiyento.

Ikinalugod ng National Economic and Development Authority ang mga numero pero anila, babantayan pa rin nila ang magiging epekto ng panahon at ilan pang dahilan na maaaring makaapekto sa presyo ng bilihin.

“We welcome this decelerating trend in prices but we remain on guard against possible upside risks such as adverse weather conditions, possible entry of the African swine fever, and uncertainty in the global oil market, among others,” ani Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.