PatrolPH

Di kailangang limitahan ang mga mabibili sa grocery: trade official

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 04:43 PM | Updated as of Aug 05 2021 07:27 PM

Watch more on iWantTFC

Iginiit ngayong Huwebes ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry na hindi kailangang limitahan ang puwedeng mabiling basic goods sa mga grocery dahil wala namang kakulangan sa supply ng mga produkto.

"Hindi na natin nakita ang need para maglagay ng purchase limit, marami namang supply," sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Binitawan ang pahayag matapos iutos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na limitahan ang mga puwedeng bilhin sa mga supermarket para makaiwas sa panic buying at hoarding.

Nakatakda rin kasing isailalim sa enhanced community quarantine ang Metro Manila simula Biyernes.

Pero ayon sa DTI, mananatiling bukas ang mga supermarket kahit ECQ at kahit palawigin pa ang 2 linggong lockdown, sasapat pa rin ang supply ng pangunahing bilihin.

Tutol din ang grupo ng mga konsumer at supermarket owner sa paglilimita ng puwedeng bilhing basic goods sa Quezon City.

BANKS

Samantala, simula Biyernes, iigsi na rin ang oras ng maraming bangko sa mga lugar na ilalagay sa ECQ.

Ayon sa Bank of the Philippine Islands, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon ang operating hours nila maliban sa Iloilo branches na hanggang ala-1 ng hapon.

Bukas naman ang BDO hanggang alas-3 ng hapon mula Agosto 6 hanggang 20.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.