2 korte inutos ang pagtigil ng 'unbundling'

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 06:47 PM | Updated as of Aug 05 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang korte ang naglabas ng injunction order na nagpatigil sa utos ng Department of Energy (DOE) na unbundling o paghimay ng presyuhan ng produktong petrolyo.

Pinaboran ng Taguig Regional Trial Court (RTC) ang hirit ng kompanyang Shell na ipatigil ang utos ng unbundling.

Iginiit ng hukom na hindi nagpakita ng sapat na ebidensiya ang DOE para pigilan ang hirit ng Shell.

Nakakuha naman ng injunction ang kompanyang Petron mula sa Mandaluyong RTC.

Ayon sa korte, dehado ang Petron kung itutuloy ang paghimay sa presyo dahil mabubulgar ang trade secrets o diskarte ng kompanya sa pagbili at pagbenta ng produktong petrolyo.

Dahil sa dalawang utos, mabibinbin muna ang utos na himayin ang presyo ng petrolyo.

Ayon sa grupong Laban Konsyumer, dapat imbestigahan ng DOE at Department of Justice kung bakit pare-pareho at halos sabay-sabay ang galaw sa presyo ng petrolyo.

Karapatan ng mga konsumer na malaman kung paano pinepresyuhan ang mga produkto, ayon sa Laban Konsyumer.

Walang naging paggalaw sa presyo ng diesel, gasolina, at kerosene ngayong linggo. Wala ring pagbabago sa presyo ng liquefied petroleum gas sa buong buwan.

Samantala, sinimulan na rin ang fuel marking o paglalagay ng kemikal sa produktong petrolyo para masawata ang smuggling.

Seaoil ang nauna at boluntaryong nagpalagay ng marking sa kanilang produkto.-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.