Ramdam ni Dodie Binondo ang pagsipa ng presyo ng asukal dahil siya ang namamalengke para sa kanilang karinderya, na may tindang maruya at inuming palamig.
Ayon kay Binondo, tinaasan na nila ang presyo ng kanilang mga tinda dahil sa pagmahal ng asukal pati mantika, bagay na nauunawaan ng kanilang mga kostumer.
"Hindi naman sila (kostumer) umaangal kasi ang ano nga nila, ang pagkain maayos pa rin, 'di nabawasan ang lasa," ani Binondo.
Base sa monitoring, nasa higit P100 na ang kilo ng puting asukal sa ilang supermarket pero mayroon ding nasa P90 sa ibang grocery.
Nasa P69 hanggang P75 naman ang kilo ng brown at washed sugar.
Problemado rin ang mga restaurant sa mahal na asukal, na ginagamit nila sa ilang ulam, dessert o panghimagas, at inumin.
"We don't want to increase prices pa rin naman even though tumataas ang presyo ng sugar. We would try to absorb it as long as we can," ani Resto.PH President Eric Teng.
"Kaya lang ang problema nga, kapag may kulang sa sugar, the taste of certain food items may not be the same," dagdag niya.
Damang-dama na rin ng malalaking bakers ang pagsipa ng presyo ng asukal dahil halos lahat ng tinapay ay may sangkap na asukal, ayon kay Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) President Johnlou Koa.
Tiniyak ng mga baker na mapapako ang presyo ng Pinoy tasty at Pinoy pandesal hangga't walang permiso mula sa Department of Trade and Industry na galawin ito.
Apektado rin ng taas-presyo ang mga manufactuer ng beverage o inumin, candy at iba pang produkto.
Hanggang Agosto 19 na lang ang supply ng raw sugar sa Pilipinas pero tiniyak ng Sugar Regulatory Administration na nagsimula na ang milling ng tubo, na ginagawang asukal, sa ilang central sa Negros kaya may parating pang dagdag na supply.
Pero pinakasolusyon umano ng gobyerno ang pag-angkat ng hindi lalagpas sa 300,000 metriko tonelada ng asukal para mapunan ang kakulangan, kasali na ang buffer stock o reserba.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.