PatrolPH

Mga taga-Metro Manila namili na ng pagkain, gamot bago ang ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2021 04:12 PM | Updated as of Aug 03 2021 08:25 PM

Watch more on iWantTFC

Higit P12,000 ang binayaran ni Orpha Mae Galve sa biniling gatas, vitamins at maintenance medicine ng inaalagan niyang senior citizen.

Pang-1 buwang supply na raw ito para hindi na siya lalabas kapag ipinatupad na ang enhanced community quarantine sa Metro Manila sa Biyernes.

Ayon kay Galve, paraan na rin ito para makaiwas sa mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Kahit sa Biyernes pa ang lockdown, ngayon pa lang ay naghihigpit na ang ilang botika dahil dumadami ang mga namimili.

Kailangang mas maaga nang magpatupad ng health protocol dahil sa dami ng kostumer na pumapasok, sabi ni Elvie Leal, manager ng isang branch ng Mercury Drug sa Quezon City.

Pero kung mahigpit sa kostumer, pinag-iingat din ang mga manggagawa, tulad ng security guard na si Antonio Berrez, dahil sila ang unang humaharap sa mga kostumer.

Ayon kay Berrez, na bakunado na kontra COVID-19, isa sa mga pag-iingat na ginagawa niya ay ang patuloy na pag-inom ng mga bitamina.

Maraming botika ang bukas nang 24 oras o buong araw kaya 3 shift pa rin ang mga manggagawa.

Samantala, tiniyak naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na sapat ang supply ng mga pangunahing produkto sa mga supermarket at hindi rin tataas ang presyo.

Pero hindi gaya noong unang lockdown, wala namang panic buying sa mga supermarket.

Pagdating ng Biyernes, limitado na lang ang papapasukin sa mga supermarket hanggang matapos ang lockdown. Bawas din ang operating hours.

Dahil iiral ang liquor ban sa ilang lugar, may ilang kostumer ding namili na ng alak.

Bukas ang Puregold mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi habang alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi naman ang Robinsons Supermarket.

Nilinaw rin ng DTI na ang requirement lang ay mapanatili ang 1-meter physical distancing sa mga supermarket.

Takot ding mahawa ang mga manggagawa ng supermarket, tulad ng cashier na si Rica Sosa.

Pero wala umano siyang choice dahil kailangan niyang magtrabaho.

Ang mahalaga raw ay suot buong shift ang face mask at face shield, at mag-alcohol para iwas-hawa habang nasa trabaho.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.