Presyo ng tinapay, nagbabadyang tumaas dahil sa pagmahal ng asukal, LPG

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 07:06 PM | Updated as of Dec 12 2019 05:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng humirit ang mga bread manufacturer ng dagdag-singil sa presyo ng kanilang mga produkto bunsod ng pagmahal ng asukal at liquefied petroleum gas (LPG) na ginagamit nila sa produksiyon.

Maging ang mga community baker ay makikipag-usap na rin sa Department of Trade and Industry (DTI) para i-adjust ang kuwentahan dahil hirap na raw sila sa pagmahal ng asukal, butter, at LPG.

"Nagtitiis pero maaaring tumaas ang presyo sa mga susunod na araw kung hindi mapipigilan ang pagtaas ng mga component sa paggawa nito," ani Chito Chavez, vice president ng Philippine Federation of Bakers. 

Sisikapin naman daw ng mga community baker na huwag galawin ang presyo ng Pinoy tasty, na nasa P35.50, at pandesal, na nasa P24, para hindi madismaya ang masa.

Nasa P65 na ngayon ang presyo kada kilo ng asukal mula sa P48 noong Enero.

Higit P1 naman ang naging dagdag sa presyo kada litro ng LPG ng Petron at Solane, ayon sa anunsiyo ng dalawang kompanya noong Martes.

Bukod sa asukal at LPG, idinadaing din ng mga bread manufacturer ang pagmahal ng diesel na ginagamit sa pag-deliver ng mga tinapay.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.