DTI, hinimok na repasuhin ang 'overpriced' SRP ng mga de-lata

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinimok ng grupong Laban Konsyumer ang Department of Trade and Industry (DTI) na repasuhin ang suggested retail price (SRP) na ipinapataw sa mga de-latang karne at sardinas.

Ito ay matapos lumabas sa pag-aaral ng grupo na "overpriced" o sobrang mahal ang SRP sa mga produktong de-lata.

"Repasuhin naman nang maigi ang mga pagtaas ng SRP sa mga produktong de-lata," sabi ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.

Sa datos ng Laban Konsyumer, umaabot na ng 15 porsiyento ang itinaas ng presyo ng mga de-lata nitong taon.

Dumepensa naman si Trade Secretary Ruth Castelo sa pagtaas ng SRP.

"While [the] cost of tin plate goes down a little bit, papaano 'yong presyo naman ng meat products that are also imported from other countries?" ani Castelo.

Ayon pa kay Castelo, may ilang manufacturer ng de-latang karne at sardinas na humihirit ng panibagong dagdag-presyo pero pag-aaralan muna nila ito.

Nasa P0.70 hanggang P1 ang hiling na dagdag sa kada lata ng sardinas habang P1 hanggang P1.50 naman sa kada lata ng canned meat.

"It does not follow that when they request for a price increase eh papayagan na natin," ani Castelo.

Nagkaroon ng P0.50 hanggang P0.90 na pagtaas sa SRP ng mga produktong de-latang noong Hunyo matapos aprubahan ng DTI ang hiling ng mga canned goods manufacturer, na idinahilan ang pagmahal ng raw materials at labor cost.

Ayon naman kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, maliit pa ang patong ng mga pamilihan sa mga de-latang produkto.

"'Pagdating sa amin, napakaliit na nga ng patong namin eh, we can hardly stay afloat," aniya. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.