Sariwa pa sa alaala ni Marian Morales ang hirap na dulot ng mahahabang water interruption noong mga nakaraang buwan.
Tanggap na nilang mahina ang pressure ng tubig basta huwag lang maulit ang water interruption.
"Mahirap kasi araw-araw mo kailangan 'yong tubig," ani Morales.
Pero napawi ang pangambang water interruption dahil inaprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang dagdag-alokasyon ng tubig mula Angat Dam ng Maynilad at Manila Water.
Mula sa kasalukuyang 46 cubic meters per second, aakyat ito sa 48 cubic meters per second simula Agosto 1.
"At least tuloy-tuloy or steady ang supply ng tubig para sa kababayan natin sa Metro Manila at karatig-probinsya," ani NWRB Executive Director Sevillo David Jr.
"Nakita po 'yong importansiya ng tubig sa pangangailangan po kontra sa COVID-19," dagdag niya.
Tiniyak ng Maynilad na walang water interruption sa paglaki ng alokasyon ng tubig galing Angat Dam pero ang average pressure ay mananatili sa 7 pounds per square inch mula sa dating 16 pounds per square inch.
Samantala, umapela naman ang Maynilad sa mga kostumer na samantalahin ang libreng pagsipsip o paglilinis ng poso negro habang wala pa ang sunod-sunod na bagyo.
Marami raw kasing customers ang tumatangging papasukin ang desludging equipment dahil sa takot sa COVID-19.
"Mapapanatili nating malinis ang kapaligiran, maiiwasan natin ang mga sakit," ani Adryan Balindoy, Maynilad waste water management officer.
Ipinaliwag ng mga awtoridad na kasali na sa binabayarang water bill kada buwan ang paglilinis ng poso negro.
Puwede itong itawag muna sa barangay o sa tanggapan ng Maynilad at Manila Water para ma-schedule ang sipsipan.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, utilities, water, water allocation, tubig, water interruption, Maynilad, Manila Water, National Water Resources Board, Angat Dam, COVID-19, coronavirus pandemic