OFWs na gustong magnegosyo puwedeng umutang ng hanggang P100-K

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 04:41 PM | Updated as of Jul 22 2020 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inilunsad noong Martes ng gobyerno ang isang programa kung saan maaaring umutang ng hanggang P100,000 ang mga umuwing overseas Filipino worker (OFW) na gustong magsimula ng negosyo.

Maaaring umutang ang mga OFW sa programang "Helping the Economy Recover Through OFW Enterprise Start-up" (HEROES) ng Small Business Corporation ng Department of Trade and Industry.

Nasa P10,000 hanggang P100,000 ang halaga na puwedeng utangin na may zero interest, at may 6 hanggang 8 porsiyentong service fee depende sa kung gaano kahaba babayaran ang utang.

Kailangan munang magrehistro sa website ng Philippine Trade Training Center at sumailalim sa training.

Kabilang sa requirements ang application form, government ID, Overseas Workers Welfare Administration certification o dokumento ng repatriation, at video presentation ng aplikante.

Nasa P100 milyon ang pondong inilaan para sa naturang programa.

Hindi bababa sa 90,000 ang bilang ng mga OFW na umuwi ng Pilipinas bunsod ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Foreign Affairs. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.