Muling pagbalik sa GCQ sa Laguna, ikinalungkot ng nalulugi nang resort owners

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 11:34 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Lungkot at pagkadismaya ang nararamdaman ng maraming resort owners sa tinaguriang hot spring capital ng Pilipinas sa Barangay Pansol sa Calamba, Laguna, at mga residenteng umaasa sa trabahong ibinibigay nito, sa muling pagsasailalim sa general community quarantine sa lalawigan. 

“Ramdam na ramdam ko ho ang sentimyento ng aming resort owner na sila po ay nalulugi,” pahayag ni Barangay Captain Joel Martinez ng Pansol sa panayam ng TeleRadyo ngayong Sabado.

Nitong Miyerkoles lamang inanunsiyo ang pagbabalik sa Laguna sa GCQ mula sa modified GCQ. 

“Durog na durog kami sa panahon ng epidemya kaya natuwa sila noong nag-MGCQ. Muli ho kami ay babangon. At ako naman, bilang chairman ay nakikipagtulungan ho sa lahat nang nawalan ng trabaho at nawalan ng hanapbuhay tulad ng nagtitinda ng salbabida, mga espasol,” sabi ni Martinez.

Aniya, dalawang linggo pa lamang silang muling nagsisimulang bumangon nang mailagay sa MGCQ ang lalawigan noong Hulyo 1 at napayagan muli ang operasyon ng mga resort. 

“Nag-start po kami nung July 1 until July 15. And then, na-stop operation na ulit kami sa darating na Monday. Binigyan kami ng grace period na hanggang Sunday lang po. And then, pagdating ng Monday, stop operation na po kami,” sabi ni Martinez. 

Ayon kay Martinez, nasa mga 900 ang mga resort na apektado sa kanilang lugar. Nasa 600 ang bilang ng mga pool agents at halos nasa 900 din ang caretakers. May iba pang mga negosyo rin ang umaasa sa mga bumibisita rito. 

"Ang pakiusap ko sana, mapalawig. Pero kami ho ay sumusunod sa ipinatutuad ng ating lokal na pamahalaan," sabi niya.

"Ang ipinaglalaban natin ay ang kaligtasan ng nakakarami," dagdag niya.