Pag-IBIG Fund, ipipirmi ang interest rate sa housing loan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2019 10:21 PM | Updated as of Jul 18 2019 11:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipapako ng Pag-IBIG Fund ang interest rates sa mga pautang sa pabahay dahil marami ang mga miyembrong nagbabayad ng housing loans. 

Ipapako sa 3 porsiyento ang interes ng socialized o affordable housing program, at 5.375 porsiyento sa regular housing loan program. 

Paliwanag ng Pag-IBIG, mataas ang payment rate o antas ng pagbabayad ng mga nagkautang na ng pabahay at agad na nagbabayad ng kontribusyon ang kanilang mga miyembro. 

Ayon kay Acmad Moti, President at CEO ng Pag-IBIG Fund, nangangahulugan itong nagbabayad ng loan ang mga miyembro nila. 

"Ito po ay nasa pinakamataas na 91 percent collection efficiency. Ibig sabihin po ang ating mga miyembro ay patuloy na binabayaran nila ang kanilang housing loans,” ani Moti. 

Kung kompleto ang lahat ng requirements, giniit ng Pag-IBIG na madali naman daw ang approval ng housing loan sa kanila at di hamak na mas maliit ang interest ng pautang nila kumpara sa bangko.

Kada 6 na buwan nirerepaso ng Pag-IBIG ang interes rate sa housing loans. 

Kabilang sa nakinabang ang negosyante at choreographer na si Lala Ilao-Dinglasan.

"Nakita ko po na mababa ang kanilang interes so sinubukan ko at it was a brief process," aniya.

Ayon kay Moti, kung patuloy na maayos na nagbabayad ng utang at nagre-remit ng kontribusyon ang mga miyembro, posibleng matagal pang manatili sa mababang lebel ang interes dito. 

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.