Presyo ng isda, manok, sibuyas, tumaas kasunod ng tuloy-tuloy na ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2018 09:25 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tumaas ang presyo ng ilang bilihin sa palengke dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa Commonwealth market, P140 na ang kada kilo ng manok na dating nasa P130 lang.

Tumaas din ng P10 hanggang P20 ang presyo ng bangus at galunggong.

Ang dating P130 hanggang P150 na presyo ng bangus, ngayon ay nasa P140 hanggang P160 na.

Nasa P120 hanggang P130 naman ang presyo ngayon ng galunggong mula sa dating P100 hanggang P110.

Ang mga isdang-dagat naman, wala rin halos bumibili dahil sa taas ng presyo.

Ayon sa tinderong si Danny Endino, kaunti lang din ang supply ng isda dahil sa bagyo. 

Tumaas din ang presyo ng sibuyas sa Commonwealth market.

Nasa P100 na ang kada kilo ng sibuyas na pula mula sa dating P92 habang ang sibuyas na puti naman ay nasa P70 na ang kilo mula sa dating P68.

Ang kamatis, P80 na ang kada kilo mula sa dating P60.

Ayon sa tinderang si Emily Garing, mataas din kasi ang kuha nila ngayon ng mga naturang produkto mula sa supplier.

Sa ibang tindahan nga raw ay walang bumabagsak na bagong paninda.

Kamakailan lang ay nagtalaga ng suggested retail price (SRP) ang Department of Agriculture (DA) sa walong food items sa wet and public markets sa Metro Manila. 

Kabilang dito ang regular well-milled rice na may SRP na P39 kada kilo, P150 kada kilo para sa medium to big na laki ng bangus, P100 kada kilo ng medium na laki ng tilapia, P140 para sa medium na laki ng galunggong, P95 kada kilo ng sibuyas na pula, P75 kada kilo ng sibuyas na puti, P70 kada kilo ng imported na bawang at P120 kada kilo ng lokal na bawang.
 
Ayon sa DA, may makikita talagang pababago sa presyo ng ilang bilihin dahil sa sama ng panahon pero dapat hindi pa rin ito lalagpas sa itinalagang SRP. 

"I will have to check if they indeed breached the threshold of the SRP, which is only 10 percent of the prevailing market price, meaning if the prevailing market price of galunggong is P140 it should have dissolved beyond the 154 pesos which is 10 percent of P140," ani DA Secretary Manny Piñol.

Nakikipagtulungan din ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa monitoring. 

Kung napatunayang lumabag sa anti-profiteering law, maaaring magmulta ang nagtitinda ng P1,000 hanggang P1 milyon at pagkakakulong ng hanggang anim na taon. -- Ulat nina Kori Quintos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.