'Krisis sa tubig puwedeng maulit sa susunod na taon'

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng maulit ang krisis sa tubig sa susunod na taon dahil wala pa ring bagong pagkukuhanan ng tubig ang Maynilad at Manila Water, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Kahit maulan dahil sa bagyong Falcon, kritikal pa rin ang water level sa Angat Dam kaya posibleng maulit ang krisis sa susunod na taon kung hindi mapupuno ang dam.

"May possibility po na magkaroon ng water interruption but not at the scale na mangyari ngayong taon na ito," ani MWSS chief regulator Patrick Ty.

"Ang worry po namin ay kung hindi po uulan sa mga darating na buwan ay baka mag-extend ang sitwasyon na ito. Hopefully, hindi," ani Ronald Padua, head ng water supply operations ng Maynilad.

Puwede naman daw gamitin ang tubig-dagat mula Manila Bay pero may kaakibat itong dagdag-bayad, ayon sa MWSS at Maynilad.

Maaari umanong gamitin ang tubig-dagat ng Manila Bay pero kailangan muna nitong dumaan sa prosesong desalination o pagtanggal ng asin at iba pang "impurities."

Pero kasabay nito ay magtitriple raw ang bayarin sa tubig.

"Ngayon ang cost for the tubig per cubic meter is around P30 to P40. 'Pag sa desalination, ang cost, wala pang distribution, nasa around P90 to P100 na," ani Ty.

Puwede rin daw gamitin ang tubig sa mga ilog sa Metro Manila kahit marumi pero ang pinakamagandang source pa rin ay ang tubig-ulan galing sa mga dam.

Hinamon din ni Ty ang mga opisyal ng Maynilad na inumin ang malabong tubig na lumalabas sa mga gripo kasunod ng water interruption.

"Sila kaya uminom noon," ani Ty.

"Kuhanin natin senior officers ng Maynilad at ipainom natin sa kanila," dagdag niya.

Ito ay matapos sabihin ng opisyal ng Maynilad na hindi delikado at ligtas inumin ang nasabing tubig.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.