Interes ng regular housing loan ng Pag-IBIG ibinagsak

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pasok sa housing loan si Julie Rose Lapore pero dahil minimum wage ang suwelod niya, nasa 3 porsiyento ang interes sakaling ituloy niya ang pag-utang.

Pero ang interes ng regular housing loan ay lalo pang ibinaba sa 4.985 porsiyento mula sa 5.375 porsiyento sa unang taon.

Kung 3-year fixing, mula 6.375 porsiyento ay magiging 5.375 porsiyento na lang.

Panghikayat umano ito ng Pag-IBIG dahil bagsak ang bilang ng mga nagha-housing loan mula noong mag-lockdown, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

"Hinihikayat natin ang ating mga miyembro na kung sila ay may planong bumili ng kanilang dream house, ito po ay kanilang ituloy. Mayroon tayong promo hanggang December 29, 2020," ani Pag-IBIG chief executive officer Acmad Moti.

Ayon kay Moti, mas maigi pa ring sa kanila mag-housing loan kaysa sa bangko.

"The banks now are charging 6 to 7 percent... Ang ating penalty policy mas forgiving kaysa sa penalty policy ng bank," aniya.

Sa mga susunod na buwan, gagawing mandatory ng Pag-IBIG Fund na online na lang ang pagfa-file ng multi-purpose loan at calamity loan kung available man para maiwasan na ang mga mahahabang pila sa mga tanggapan.

"Mag-online filing na lang para deretso na sa sistema ng Pag-IBIG 'yong kanilang transactions," ani Moti.

Magkakaroon ng hanggang 6 na buwang transition period bago maging online ang paghahain ng mga maigsiang loan.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.