Humirit ang grupo ng mga negosyante sa Inter-Agency Task Force na payagan nang pumasok ang lahat ng manggagawa kapag tumungtong na sa 80 porsiyento ang vaccination rate ng kompanya.
Para kasi kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, na kasama sa grupo, bawas ang efficiency o kahusayan ng manggagawa kung puro work-for-home lang kaya puwede nang halong opisina at bahay ang magiging setup.
Nauna nang ipinanukala ni Concepcion ang pagkakaroon ng "safe spaces" sa mga opisina, kung saan may hiwalay na espasyo ang mga manggagawang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine.
Para naman sa grupong Defend Jobs Philippines, sa pangkalahatan, mas gusto naman talaga ng mga manggagawa bumalik ng opisina.
Pero dapat tiyakin muna ng gobyerno na ligtas ang public transportation dahil hindi naman lahat ay may sariling sasakyan.
Bukod sa kulang ang mga public utility vehicle, wala ring social distancing sa mga ito dahil dikit-dikit ang mga pasahero.
Samantala, nakatakdang dumating sa Biyernes ang in-order na 1.17 milyong dose ng AstraZeneca vaccines ng pribadong sektor. Lahat ito ituturok bilang first dose.
Nasa 420,000 doses naman ang ibabahagi sa ilang local government unit at mga kompanyang kasali sa second batch ng order.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, trabaho, work arrangement, office, work from home, Covid-19, vaccine, Joey Concepcion, Defend Jobs Philippines, labor, TV Patrol, Alvin Elchico, TV Patrol Top