'Pautang' apps na 'namamahiya' para makasingil pambihira sa Pilipinas: NPC

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2019 04:31 PM

MAYNILA — Tila pambihira umano sa Pilipinas ang sistema ng ilang makabagong mobile lending apps na namamahiya ng mga hindi nakakabayad sa oras, sabi nitong Linggo ng National Privacy Commission (NPC).

Ito'y matapos maglipana ang mga reklamo ng ilang nangutang sa app na ipinahiya sila sa kanilang contacts o Facebook noong hindi sila nakabayad sa utang.

Bago kasi makahiram ng pera ay kailangan mong ibahagi ang contacts at ibang datos mo sa app.

"Iyang business model na ang paraan para makasingil ay magpapahiya ka, iyan ay tila isang bagong gawain o phenomenon... Sa pakikipag-usap namin sa ibang hurisdiksyon ay sa atin pa lamang [ito] nakikita o nagaganap," sabi ni NPC commissioner Raymund Liboro.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng ahensiya ang 93 mobile lending apps na inirereklamo.

Sinabi ni Liboro na titingnan nila kung wasto ba ang naging paggamit ng mga pribadong datos ng konsumer na nangutang sa lending apps.

Nauna nang sinabi ng NPC na maaaring lumalabag ang mga inirereklamong apps sa Data Privacy Act dahil sa maling paggamit ng mga ipinagkatiwalang datos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.