Inamin ng Department of Energy na wala silang magawa sa patuloy na pagtaas ng petrolyo at singil sa kuryente.
Pangunahing sanhi ng pagmahal ng petrolyo ay ang paghina ng peso, na hindi naman kayang kontrolin ng Energy department, sabi ni Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.
Hindi rin kayang kontrolin ng DOE ang ang singil sa kuryente dahil tungkulin ito ng Energy Regulatory Commission, sabi naman ni Mario Marasigan, direktor ng Electric Power Industry Management Bureau.
Ngayong Martes, muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng P0.60 hanggang P1.15 taas-presyo sa kanilang mga produkto.
Mula Enero, P10.60 na ang iminahal ng presyo ng kada litro ng diesel, P13.50 naman sa kada litro ng gasolina at P9.01 naman sa akda litro ng kerosene.
Nag-yellow alert na naman ngayong Martes sa Luzon grid dahil sa 4 na planta na biglang pumalya habang ang ilan naman ay nagbawas ng produksiyon, na maaari umanong magpataas ng singil sa kuryente.
Samantala, isinusulong naman ni Senate economic affairs committee chairperson Imee Marcos na suspendehin muna sa loob nang 1 taon ang paniningil ng 12 porsiyentong value added tax sa petrolyo.
Habang pamahal ang petrolyo, lumalaki rin ang kabig na VAT ng gobyerno dahil lumolobo rin ang katumbas na porsiyento ng buwis.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Energy, konsumer, utilities, kuryente, petrolyo, oil price, power rate, Imee Marcos, value added tax, TV Patrol, Alvin Elchico