PatrolPH

Water interruption sa ilang lugar sa NCR, Cavite pinalawig hanggang Hulyo 31

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2022 01:28 PM | Updated as of Jul 07 2022 01:33 PM

Watch more News on iWantTFC

Pinalawig ng Maynilad hanggang katapusan ng Hulyo ang water service interruption sa ilang kostumer nito sa Metro Manila at Cavite.

Sa panayam ng Teleradyo, nilinaw ni Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo na sapat ang supply ng tubig pero apektado pa ng algae o lumot sa Laguna Lake ang ilang water plant.

Iniiwasan umanong makarating sa mga kostumer ang mabahong amoy na dulot ng lumot.

Kabilang sa mga apektado ng pinalawig na water interruption ang ilang lugar sa Las Piñas, Muntinlupa at Parañaque gayundin ang ilang lugar sa Cavite City, Bacoor, Imus, Noveleta at Rosario sa Cavite.

Aminado si Rufo na tumaas ang antas ng lumot sa Laguna Lake, na huli umanong nangyari noong 2019.

Tiniyak naman ng Maynilad na ginagawan nila ng paraan para mapabuti ang proseso ng water treatment para mabigyan na muli ng maayos na supply ang mga apektadong kostumer.

Tiniyak din ng Maynilad na susundin nila ang daily rotational schedule sa pagpapalawig ng water interruption.

Kasunod ito ng reklamo ng mga residenteng hindi nasusunod ang schedule.

Nagkaroon lang aniya ng emergency interruption noong weekend matapos maantala ang pagtatapos ng maintenance work.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.