MANILA — Muling tumaas ng 2 piso ang kada kilo ng asukal sa mga palengke ngayong linggo.
Ayon sa mga retailer, tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ngayong buwan ng Hulyo dahil sa patong ng mga biyahero sa transportasyon.
Nasa P67 na ang kada kilo ng washed at brown sugar, habang P90 naman ang kada kilo ng refined sugar sa palengke.
Patuloy na tumataas ang presyo ng asukal sa mga pamilihan dahil hindi umano nakatulong ang importasyon ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA), ayon sa United Sugar Producers Federation of the Philippines (USPFP).
Nag-angkat ang SRA ng 230,000 metric tons ng asukal para mapunan ang pagkukulang sa supply ng asukal sa bansa, ayon kay dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica.
“Iyong importation order nila po, binigay exclusively for the industrial. Doon binagsak lahat ng 4 million bags. Ang asukal, hindi pumunta sa palengke, pumunta for industrials, ‘yong mga beverage. Yong ganitong importation dapat ang makinabang is consumer para hindi sila makabili ng mahal na asukal,” pahayag ni Manuel Lamata, presidente ng USPFP.
Dagdag pa niya, posibleng lumala ang kakulangan sa asukal sa susunod na taon dahil ilang producers ang hirap sa pagmahal ng production inputs.
Dahil dito, suportado nila ang pag-aangkat ng karagdagang 230,000 metric tons ng asukal kung masisigurong sa mga palengke at bakery ito mapupunta.
Samantala, bumaba ng P20 ang kada kilo ng kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila. Mula P60 per kilo noong nakaraang taon, P40 na lang ito ngayon.
Ayon sa mga nagtitinda, may oversupply ng kamatis sa mga probinsya.
FROM THE ARCHIVES:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.