PatrolPH

Bayad sa estimated bill pinare-refund sa Meralco, distribution utilities

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 04:28 PM | Updated as of Jul 07 2020 09:20 PM

Watch more on iWantTFC

(IKA-2 UPDATE) Ipare-refund ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco at ibang distribution utilities ang binayarang "estimated bill" ng mga kostumer noong Marso, Abril at Mayo.

Maglalabas ng utos ang komisyon sa Meralco at ibang distribution utilities na ibalik ang perang ibinayad ng mga kostumer at mag-issue ng tamang billing, ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera.

"Magbibigay kami ng time, siguro within 2 weeks mag-refund na sila," ani Devanadera.

Aminado ang Meralco na nagkamali sila sa kuwentahan kaya lumaki nang todo ang May bill, ayon kay Devanadera.

Dahil sa dami ng reklamo sa mga lumobong electricity bill, lumutang ang ilang mungkahi gaya ng paglibre ng unang 200 kilowatt hour (kWh) na konsumo at pagbalik ng bill deposit ng mga konsumer.

Ang mga nabanggit ay hirit ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para umano makatulong sa mga naghihirap na kostumer.

Pero nasa korte pa ang isyu ng bill deposit at kinontra naman ng Meralco ang panukalang paglibre ng unang 200 kWh na konsumo.

"Hindi naman natin kontrolado 'yong kabuuan ng halaga sa kuryente. More than half goes to the power generators, ginagamit naman nila 'yong binabayad sa kanila... to procure fuel," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Pagtitiyak ng kompanya, magpapadala sila ng liham sa mga konsumer para bigyang-linaw ang kanilang mga hinaing. 

"Sinisiguro po ng Meralco na kung ano lamang pong nakonsumo ng aming customers ang babayaran nila, walang labis, walang kulang. Susulat din po kami sa lahat ng mga customer namin na apektado ng May bill upang magbigay linaw sa kanilang mga individual accounts," ani Zaldarriaga.

Kahit kasi inutay-utay ang singil sa mga konsumer, buo umano kung maningil ang mga supplier ng kuryente ng Meralco. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.