Ilan pang serbisyo sa mga salon, barberya papayagan simula Hulyo 7

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit ibinalik na ang limitadong operasyon ng mga salon at barberya, matumal pa rin ang pasok ng mga kostumer sa parlor nina Sherlene Atun dahil limitado lang sa gupit ang serbisyo.

"Wala talagang kita ang salon kaya parang, baka magsara na lang 'pag patuloy na magkaganyan," ani Atun.

Pero simula Martes, pinapayagan na ang ibang serbisyo sa mga salon at barberya bagaman limitado pa rin sa buhok lang.

"Full hair service lang muna tayo. Limited to hair, 'di pa rin puwede ang nails, 'di pa rin puwede ang masahe, 'di pa puwede facials sa barbershops at salons," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Natuwa ang ilang may-ari ng salon gaya ni Marko de la Paz dahil kahit papaano ay madadagdagan ang dami ng customers.

"Dami na rin clients na calling us asking us kung kailan puwedeng magpa-color... they want their hair done na rin," aniya.

Wala naman umanong problema kahit wala muna ang ibang serbisyo basta puwedeng ibang hair treatment.

"Okay lang po kahit buhok lang kasi doon talaga mas malaki kita kaysa mga nail, spa," ani Atun.

Nagbabala rin ang Department of Trade and Industry sa mga kilalang salon na nagsasagawa ng facials at ibang aesthetic treatment sa mukha at ibang parte ng katawan.

"Lalo na kasi ang mga nakikita natin na nagva-violate 'yong mga malalaki pa 'yong may pangalan. Hindi po sila exempt sa guidelines natin... 'pag nadaanan 'yan, isasara din talaga sila," ani Castelo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.