PatrolPH

Presyo ng gasolina at diesel tataas, kerosene bababa sa Hulyo 6

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2021 12:52 PM | Updated as of Jul 05 2021 07:03 PM

Presyo ng gasolina at diesel tataas, kerosene bababa sa Hulyo 6 1
Gasolinahan sa Quezon City noong Hulyo 20, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA (UPDATE) — Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng kanilang gasolina at diesel at pagbaba sa presyo ng kerosene sa Martes, Hulyo 6.

Ito ang ika-6 na sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, na idinadaing na ng mga motorista at tsuper ng mga pampublikong sasakyan.

Ayon sa Shell, Seaoil, Petro Gazz, Caltex, PTT Philippines, Flying V at Phoenix Petroleum, tataas nang P0.10 ang presyo ng kada litro ng kanilang diesel at P0.60 ang kada litro ng gasolina.

Magpapatupad naman ang Shell, Seaoil, Caltex at Flying V ng P0.05 bawas sa presyo ng kada litro ng kerosene.

Nasa P0.60 din ang taas-presyo ng Cleanfuel sa kada litro ng kanilang gasolina pero walang paggalaw ang presyo ng kanilang diesel.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na magpapatupad alas-12:01 ng hatinggabi at Cleanfuel na mag-a-adjust alas-4:01 ng hapon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.