Taas-presyo nitong Hunyo pinakamabagal mula Setyembre 2017

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 04:29 PM | Updated as of Jul 06 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumagal sa 2.7 porsiyento ang antas ng inflation – o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa – noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority. 

Ang antas noong Hunyo na rin ang pinakamabagal na antas ng inflation na naitala simula Setyembre 2017. 

Ito na rin ang pinakamababang antas ng inflation magmula noong ipinataw ang dagdag-buwis sa langis at mga matatamis na inumin sa bisa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong Enero 2018. 

Paliwanag ni PSA Civil Registrar General Claire Mapa, nag-ambag sa pagbagal ng inflation ang paggalaw ng presyo ng pagkain at mga non-alcoholic na inumin. 

Nakaambag din sa pagbaba ng inflation ang pagbagal ng antas ng taas-presyo sa mga nakalalasing na inumin at tabako, gastos sa bahay gaya ng tubig, kuryente at gasolina, at gastos sa transportasyon at komunikasyon. 

Bumaba sa 3 porsiyento ang inflation sa Metro Manila nitong Hunyo mula 3.4 porsiyento noong Mayo. 

Pinakamabilis pa rin ang antas ng inflation sa Mimaropa na nasa 5.2 porsiyento ngayong Hunyo 2019 mula sa 4.7 porsiyento noong nakaraang buwan. 

Pinakamababa pa rin ang inflation sa Zamboanga Peninsula, na bumaba sa 0.7 porsiyento mula 1.5 porsiyento. 

Pero ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, malayo ang inflation sa katotohanan sapagkat patuloy umano ang pagtaas ng presyo ng gatas, kape, at iba pa bukod pa sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. 

"Magandang balita lang 'yan kung nagbabaan na din mga presyo ng bilihin pero nagtataasan pa din ang mga ito tulad ng gatas, kape at iba pa. Sobra pa din ang taas ng presyo ng petrolyo at ayaw pang ipakita sa mamamayan ang tunay na 'unbundled oil prices'," ani Zarate. 

-- May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.