PatrolPH

Presyo ng diesel, kerosene tatapyasan simula Hulyo 5

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2022 01:16 PM | Updated as of Jul 04 2022 07:44 PM

Gasolinahan sa Taguig City noong Hunyo 6, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
Gasolinahan sa Taguig City noong Hunyo 6, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

(UPDATE) Matapos ang 5 sunod na linggong taas-presyo, bababa ang presyo ng ilang produktong petrolyo simula Martes, Hulyo 5.

May tapyas sa presyo ng kerosene at diesel pero walang galaw sa presyo ng gasolina.

Ayon sa abiso ng mga kompanya ng langis, narito ang halaga ng kanilang ipatutupad na rollback:

Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
DIESEL -P3/L
KEROSENE -P3.40/L

Shell, Seaoil, Petron, Flying V (Alas-6 ng umaga)
DIESEL -P3/L
KEROSENE -P3.40/L

Petro Gazz, PTT Philippines, Phoenix Petroleum, Jetti Petroleum (Alas-6 ng umaga)
DIESEL -P3/L

Cleanfuel (Alas-8:01 ng umaga)
DIESEL -P3/L

Watch more News on iWantTFC

Dahil sa 5 magkakasunod na oil price hike, P26.80 kada litro na ang iminahal ng presyo ng diesel.

Ayon sa Department of Energy, humupa ang presyo ng langis sa world market matapos mag-anunsiyo ng dagdag-produksiyon ang Organization of the Petroleum Exporting Countries.

Pero hindi umano masabi kung magtutuloy-tuloy ang bawas-presyo sa mga susunod na linggo.

"We hope the optimism will become permanent," ani Energy Assistant Secretary Gerardo Erguiza. 

Ayon sa isang oil player, kung tutuusin, mas mura pa rin ang presyo ng petrolyo sa Pilipinas kompara sa ibang bansa.

Mas marami kasi aniyang independent player sa bansa na nagpapababa sa presyo kaya hindi masyadong makaarangkada ang presyuhan ng mga malalaking kompanya ng langis.

Sa gasolina, halimbawa, P85 ang common price ng litro sa Metro Manila pero nasa P125 na ito sa Singapore. Nasa P105 naman ang presyo nito sa Laos habang naglalaro sa P118 hanggang P147 sa Europe.

Nasa P84 naman ang common price ng diesel sa Pilipinas. Lagpas P114 na ito sa Singapore, P87 sa South Korea, at P118 hanggang P143 sa Europa.

Maraming bansa rin sa Asya ang mas mura ang petrolyo kaysa Pilipinas tulad ng Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam dahil may sarili silang langis at subsidiya galing sa gobyerno.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.