ECOP: Maliliit na negosyo aaray sa mandatory 14th month pay

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 07:43 PM

Makakaapekto sa mga maliliit na negosyo ang hirit na bigyan ng 14th month pay ang mga manggagawa ng pribadong sektor, ayon sa lider ng grupo ng mga employer. 

Kasunod ito ng paghain ni Senate President Tito Sotto ng Senate Bill No. 10, na inaatasan ang mga employer sa pribadong sektor na bigyan ng 14th month pay ang mga empleyado, partikular na ang mga rank-and-file employees, mapa-regular o hindi. 

Ibabase ang 14th month pay sa buwanang suweldo ng mga manggagawa at dapat ibigay ito bago mag-December 24 kada taon. Dati na itong inihain ni Sotto sa nakaraang Kongreso pero hindi ito nakalusot sa Senate committee on labor.

Ayon kay Sergio Ortiz-Luis, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), mapipilitang magtaas-presyo ng produkto, magkaltas ng sahod, o kaya ay magbawas ng tao ang mga micro enterprises kapag inaprubahan ang batas. 

"Ang problema lang natin ay iyong mga micro (enterprises). Dalawa lang puwedeng gawin ng mga kumpanya e, ipapatong nila sa presyo nila kung kaya ng merkado, o kung hindi naman, babawasan nila sa tao, sa pagsusuweldo, magbabawas ng tao," ani Luis. 

Sa kabila nito, bukas ang mga employer sa panukala ni Sotto dahil maaaring kayanin ng mga mas maliliit na negosyo ang panukala. 

Sinabi ng ECOP na mahalagang malaman ang sasakuping sektor ng panukala at kung may exemption din na ibibigay. 

Kabilang sa naghahangad na magkaroon ng 14th month pay si Jommel Baltazar na apat na taong nagtatrabaho sa janitorial service agency. 

Sapat lang daw kasi ang kaniyang P9,000 na take-home pay sa araw-araw na gastusin sa trabaho at bahay. 

Diretso naman sa kaniyang magulang ang 13th month pay. 

Tingin ni Senator Joel Villanueva, pinuno ng komite na mas handa na silang pakinggan ang panukala. Pero giit niya, hindi magiging madali ang pagsasabatas nito. 

"Hindi ito madali, hindi ito basta puwede nating sabihin na puwedeng 'Okay, let's just implement it,'" ani Villanueva. -- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.