Presyo ng langis, tataas sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 12:29 PM | Updated as of Jan 07 2019 07:50 PM

(UPDATED) Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Enero 8. 

Bunsod ang taas-presyo ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Petro Gazz, Jetti Petroleum, PTT Philippines, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, Caltex, Shell, TOTAL, Petron, SEAOIL, at Unioil, magkakaroon sila ng P0.70 dagdag sa kada litro ng diesel at P0.80 dagdag sa kada litro ng gasolina.

Tataasan din ng Shell, Caltex, Petron, at SEAOIL ng P0.40 ang kada litro ng kanilang kerosene.

Hatinggabi magpapatupad ng mga bagong presyo ang Caltex. Magiging epektibo naman ang taas-presyo sa Petro Gazz, Shell, Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, Jetti Petroleum, Petron, TOTAL, SEAOIL, at Unioil simula alas-6 ng umaga. 

Watch more in iWant or TFC.tv

TAAS-PRESYO DAHIL SA BUWIS

Sa kabila ng taas-presyo dahil sa presyo sa pandaigdigang merkado, may 300 gasolinahan na rin ng Petron at Flying V sa buong bansa ang nagtaas ng presyo dahil sa epekto ng mas mataas na buwis sa langis, base sa tala ng Department of Energy.

Pinadalhan na ng show cause order ang mga naturang gasolinahan upang ipaliwanag kung bakit nagtaas ang mga ito ng presyo.

Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na sa kanilang tantiya, nasa 15 araw hanggang isang buwan pa ang itatagal ng lumang stock ng langis ng mga oil company at sa bagong stock lang dapat ipataw ang taas-presyo dahil sa buwis.

Ibig sabihin, dapat daw ay sa kalagitnaan o katapusan pa ng Enero magkaroon ng taas-presyo dahil sa dagdag-buwis sa langis.

Mag-iikot sa mga gasolinahan ang mga tauhan ng DOE sa Martes para matiyak na may abiso sa motorista kung aling produkto ang nagbago ang presyo dahil sa mas mataas na buwis.

Muling nagbabala ang DOE na mahaharap sa mga kaso ang mga gasolinahang magtataas ng presyo dahil sa buwis kahit lumang stock pa ang ikinakarga sa mga motorista. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.