Bawas-presyo sa petrolyo inaasahan sa susunod na linggo

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 02:26 PM | Updated as of Jun 30 2020 06:18 PM

MAYNILA (UPDATE) — Posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).

Bunsod umano ito sa pagmura ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa unang araw ng trading, P1.75 ang iminura ng kada litro ng gasolina habang P0.65 naman sa kada litro ng diesel.

Wala namang inaasahang malaking galaw sa presyo ng liquefied petroleum gas simula Miyerkoles, Hulyo 1.

Ngayong Martes, nagpatupad ang mga oil firm ng taas-presyo: P0.30 sa kada litro ng diesel, P0.70 sa kada litro ng gasolina, at P0.40 sa kada litro ng kerosene.

Samantala, nag-ikot din ngayong Martes si Laban Konsyumer President Vic Dimagiba sa ilang gasolinahan para silipin ang pagpapatupad ng dagdag-presyo sa petrolyo bunsod ng mas mataas na buwis sa langis.

Sa isang gasolinahan ng Petron, nakita ni Dimagiba na hindi sinasalamin ang dagdag na taripa sa resibo kaya hindi ito malinaw sa mga motorista.

Nasa 10 porsiyento ang ipinatupad na dagdag-buwis sa imported na petrolyo, na ibinaba ng gobyerno para may mapagkuhanan ng pondo sa pagtugon nito sa COVID-19.

Ayon pa kay Dimagiba, dapat tanggalin na ang dagdag-presyong bunsod ng taripa dahil napaso na ang batas na nagpapataw nito noong Hunyo 25.

Pero ayon sa DOE, uubusin muna ang kasalukuyang stock na pinatawan ng mas mataas na buwis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.