Kinuwestiyon ng isang consumer group ang pag-apruba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mas mataas na suggested retail price (SRP) para sa ilang pangunahing bilihin.
Idinaing ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba ang taas-presyo lalo at tumaas ang inflation rate, na ang pangunahing dahilan ay ang pagmahal ng pagkain.
Ang inflation rate ay ang antas ng bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
"'Di pa tayo nakakaahon sa mataas na inflation noong nakaraang taon," ani Dimagiba.
Sa pagbabantay ng Laban Konsyumer, tumaas ng P0.25 hanggang P1.80 ang ilang brand ng condensed at evaporated milk.
Nasa P1 naman ang iminahal ng isang brand ng kape at P0.50 hanggang P0.75 ang dagdag sa ilang condiments.
Iginiit ng DTI na ngayon lang ipinapatupad ang dagdag-presyo sa ilang produkto na dati nang inaprubahan ng ahensiya.
Dapat umano ay noong isang taon pa tumaas ang mga presyo ng mga ito pero naantala dahil hindi puwedeng sabay-sabay na magmahal ang basic at prime commodities.
Nilinaw ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na hindi pa puwedeng ipatupad ang mas mataas na SRP hangga't hindi nailalathala.
Isa raw sa mga dahilan sa pagtaas ng SRP ay ang pagmahal ng raw materials o sangkap sa paggawa ng mga produkto.--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, konsumer, #PricePatrol, bilihin, kape, gatas, patis, Laban Konsyumer, suggested retail price, Department of Trade and Industry, TV Patrol, Apples Jalandoni