PatrolPH

PUV drivers umaangal sa patuloy na taas-presyo ng petrolyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2021 08:29 PM

Watch more on iWantTFC

Tanghali na nitong Martes pero kulang pang pang-boundary ang kita ng jeepney driver na si Noriel Puniendo.

Bukod sa matumal ang pasahero, dagdag-pasakit din daw sa mga tulad niyang tsuper ang serye ng taas-presyo sa petrolyo.

"Sa isang ikot, kung minsan P50 na lang ang natitira. Kaysa magutom pamilya, e di tiis-tiis ka na lang," ani Puniendo.

"Minsan may natitira naman P200, P300, eh ang bilihin ngayon napakataas," aniya.

Dismayado rin ang Angkas driver na si Nick Tagaban dahil sagot nila ang ikinakargang gasolina, na 5 linggo nang puro dagdag-presyo.

"Malaki po 'yong nawawala sa kita naming mga motorista, lalo na sa mga Angkas, kasi mahina pa Angkas ngayon dahil sa pandemya," ani Tagaban.

Mula Hunyo 1 hanggang 30, P3.25 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P2.70 naman sa diesel, at P2.55 sa kerosene.

Mula naman umpisa ng taon, P11.75 na ang net increase sa kada litro ng gasolina, P9.90 sa diesel, at P8.41 sa kerosene.

Unti-unti na raw kasing nakakabangon sa pandemya ang mga malalaking bansa kaya sumisipa ang pangangailangan sa langis.

"Demand driven ang dahilan ng pagtaas ng presyo," ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau.

TAAS-PRESYO SA LPG

Pero hindi lang presyo ng diesel at gasolina ang tumaas.

Nagbabadya rin umanong tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Hulyo 1, na aabot sa higit P5 kada kilo o lagpas P60 kada regular na tangke.

Nag-iimbak daw kasi ng LPG ang China at United States para sa taglamig kaya sumirit ang presyo.

Sa Hulyo 1 pa malalaman ang aktuwal na halaga ng taas-presyo.

Kaya ang mga karinderyang malakas gumamit ng LPG ay aaray na naman sa malakihang dagdag-presyo pero hindi naman daw nila puwedeng galawin ang presyo ng ulam.

"Kami na lang mag-a-adjust doon. 'Di kakayanin ng tao dahil sa presyo ng karne, ganoon, mataas din," sabi ni Inday Mante, may-ari ng karinderya.

"Hindi naman namin kailangang bawiin agad 'yon. Siyempre magrereklamo ang customer kung bigla kang magtataas," ani Joel Bautista, may-ari rin ng karinderya.

Naglalaro sa P670 hanggang P770 ang presyuhan ngayon ng regular na tangke ng LPG.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.