Presyo ng petrolyo muling tataas simula Hunyo 30

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 10:51 AM | Updated as of Jun 29 2020 05:09 PM

MAYNILA (UPDATE) — Muling magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Hunyo 30, base sa anunsiyo ng mga oil firm.

Ito na ang ikawalong sunod na linggong may dagdag-presyo sa produktong petrolyo.

Ayon sa Shell, Seaoil, Petro Gazz, Cleanfuel, Caltex, Flying V, PTT Philippines, Total at Phoenix Petroleum, P0.30 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel habang P0.70 naman sa kada litro ng gasolina.

Tataasan din ng Shell, Seaoil, Flying V, at Caltex nang P0.40 ang presyo ng kada litro ng kerosene.

Epektibo ang bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad alas-4:01 ng hapon at Caltex na magtataas alas-12:01 ng hatinggabi. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.